MENU

Earthtalk Groundwater

City of San Fernando, Pampanga – Chief Geosciences Division Noel B. Lacadin at Jalan Joy Umbina bilang panauhin sa EarthTalk Central Luzon. Kasama sina DJ Don Marco ng RW 95.1 FM at Don Guevarra ng DENR3-RPAO, ang mga katanungan sa paksang “Groundwater Resources Assessment” ay nabigyang kasagutan at linaw.

Isang makabuluhang programa at usapan sa EarthTalk Central Luzon ang naganap ngayong Agosto 25, 2020 kasama sina DJ Don Marco at DENR-RPAO 3 Don Guevarra upang pag-usapan ang paksang “Groundwater Resource Assessment”. Ang mga espesyal na panauhin ay nagmula sa Mines and Geosciences Bureau Regional Office No. III upang bigyang liwanang ang talakayan at bigyang kasagutan ang mga karaniwang katanungan ukol sa paksa. Sila ay sina Chief Geosciences Division Noel B. Lacadin at Jalan Joy Umbina na parehong geologist at eksperto sa paksang ito.

Ilan sa mga katanungang nabigyang linaw ay ang mga kahulugan ng mga “terms” na madalas ginagamit, mga proyekto at programa ng MGB maging ang mga isyu at problemang kadalasan ay nararanasan ng ahensya pagdating sa nasabing paksa.

Ayon sa MGB, “Ang groundwater ay tubig na nakaimbak o nakapaloob sa mga cracks o tinatawag nilang pore spaces sa mga bato sa ilalim ng lupa. Ang aquifer naman ang tawag sa mga buhangin at bato kung saan nakapaloob ang groundwater.”

Ang groundwater ay nakukuha mula sa tubig na sumisipsip sa lupa buhat ng pag-ulan. “Ito ay mahalaga sapagka’t ito’y isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng tubig lalung-lalo na sa mga lugar na hindi nabibigyan ng ampat na supply o koneksyon ng water district sa isang komunidad,” anya pa nila.

Samantala, ang groundwater resource assessment naman ay isa sa mga programa ng MGB na sinimulan pa noong 2015. Dito ay pinagaaralan nga ahensya at iminamapa ang groundwater potential ng isang munisipyo pati na rin ang pagtukoy sa mga aquifer sa ilaliim ng lupa, at pagsuri sa kalidad ng tubig o water quality ng groundwater sa isang lugar.

Binibigyang prayoridad ng ahensya ang pag-assess sa mga komunidad na nakararanas ng limitadong supply ng tubig dulot halimbawa ng climate change; at pagtaas ng damand sa tubig dahil sa dumaraming populasyon at pag-usbong ng ekonomiya.

Ayon sa MGB, katulad ng mga nabanggit, mahalaga ang pag-aaral na ito sapagka’t makikita natin kung saang mga lugar sa isang munisipyo ang may potential na pagkukuhanan ng karagdagang supply ng tubig. Bukod pa rito, ang mga sample ng tubig na kanilang kinokolekta ay ipinadadala sa isang laboratoryo upang matukoy kung mayroon bang mga contaminants sa groundwater at kung maaari ba itong inumin.

Ang Groundwater Availability Map ng munisipyo ang pangunahing output ng assessment. At ilan sa mga parameter sa water quality assessment ay ang mga sumusunod: temperature, pH, conductivity, total dissolved solids, at salinity. Una ay ang temperature o kung gaano ka-init ang tubig sa ilalim ng lupa. Ikalawa ay ang pH o ang pagtukoy sa acidity/alkalinity ng tubig. Nakaa-apekto ito sa kondisyon ng mga organismong nabubuhay sa groundwater o kaya naman sa toxicity ng heavy metals sa tubig gaya ng lead o copper. Ikatlong parameter ay ang conductivity o ang kakayahan ng groundwater na magpadaloy ng electric currents. Dito ay malalaman ang concentration ng mga ions gaya ng chloride o carbonates sa tubig. Ikaapat ay ang total dissolved solids o ang kabuuang bilang ng mga mineral at metals na nakapaloob sa groundwater. At ang ikalima ay ang salinity o ang sukat kung gaano karami ang salt content ng tubig.

Ilan sa mga lugar o lalawigan ng Central Luzon ang mayroon nang ground water resource assessment. Noong 2015 at 2018, natapos na ng ahensya ang 1:250,000 scale assessment sa probinsya ng Tarlac. Noong 2016 naman ay sa Nueva Ecija, at 2017 sa probinsya ng Aurora at Bataan.

Simula 2019, mas naging masinsinan ang pag-assess sa mga lugar. Natapos ang 1:50,000 scale mapping sa mga lalawigan ng Santa Ignacia at Gerona sa Tarlac, Masinloc, Candelaria at Sta. Cruz, Zambales.

Ngayong 2020 naman ay nakapag-assess ang groundwater assessment team ng MGB sa bayan ng Limay at Mariveles sa Bataan.

Pagdating sa estado ng ground water supply sa rehiyon, ito ay nakadepende sa recharge at discharge ng groundwater sa isang lugar. Kasabay ng paglaki ng populasyon ay ang paglaki rin ng demand sa groundwater lalo na kung ito ang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng isang komunidad at ng iba’t-ibang mga establisimyento.

Ayon rin sa MGB, sa pagtatayo ng mga deep wells, kinakailangang kumuha ng permit kung saan ang NWRB o National Water Resources Board nagre-regulate.

Ilan naman sa mga problema o isyu na kinakaharap sa pagsasagawa ng groundwater resource assessment at sa pamamahala ng groundwater reseources ay ang mga sumusunod: (1) limitasyon sa water sampling at laboratory analysis, (2) kakulangan ng mga importante/mahahalagang datos mula sa mga LGUs at iba pang ahensya ng gobyerno na makakatulong sa assessment.

Upang masolusyonan ito, masidhing isinusulong ang pagkakaroon ng laboratoryo sa ahensya.

Ang pagpapatuloy sa programang ito (municipal level assessment) at ang pagkakaroon ng Groundwater Vulnerability Assessment sa mga lugar ay ilan lamang sa mga susunod na plano, hakbangin at aktibidad ng ahensya sa buong rehiyon.

Featured Video